Ang Pagtanggal ng Takdang-aralin sa Katapusan ng Linggo

Isinulat ni: Lauren de Luna


Persweysib

Ang mga takdang-aralin ay nagpapalalim sa kaalaman ng mga mag-aaral sa pag­ba­basa, pagsusulat, at pagsasalik­sik sa mga partikular na paksa. Kadalasan, ito ang pa­raan upang mapaghandaan ang susu­nod na leksyon at mas maintindihan ang nakaraang natutunan. Subalit, kahit gaano kahalaga ang mga takdang-aralin, ang pagbibigay nito sa katapusan ng linggo ay hindi kapaki-pakinabang dahil nawawalan ng oras ang mga mag-aaral para sa iba’t ibang bahagi ng buhay tulad ng kanilang pamilya, kaibigan at ang kanilang mga interes o libangan. 

Kailangang ipagbawal ang pagbigay ng takdang-aralin sa katapusan ng linggo dahil marami itong mga benepisyo para sa mga estudyante. Una, gagawin nila ang kanilang mga takdang-aralin na mas mahusay na dahil inaasahan nila ang katapusan ng linggo. Subalit, kung matatambakan at magkakasabay-sabay ang iba’t ibang asignatura, hindi maiiwasan na mawalan ng gana ang mga estudyante. Maaring malito din sila tungkol sa kailangang unahin at iprayoridad, kaya dapat marunong limitahin ng guro ang mga takdang-aralin. Ikalawa, makakatulog ng maayos ang mga mag-aaral. Maraming estudyante ay napupuyat sa paggawa ng mga takdang-aralin, kaya ang pagbawal nito sa Sabado at linggo ay oportunidad para magpahinga. Ikatlo, ang katapusan ng linggo ay nagbibigay oras upang makasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan o tumuon sa interes na nais nilang gawin, tulad ng pagkakanta o pagsasayaw. Nakakasagabal ang takdang-aralin sa iba pang mga obligasyon na hindi nagaganap sa paaralan. Sa taon ng pag-aaral, ang katapusan ng linggo ay ang tanging oras ng mga mag-aaral para magkaroon ng libreng panahon na makasama ang kanilang mga magulang, kapatid at kaibigan. Limang araw sa isang linggo ay nag-aaral at gumagawa ng takdang-aralin ang mga estudyante kaya ang Sabado at linggo ay ang nag-iisang panahon para magpahinga ang estudyante, lalo na pagkatapos ng mahaba at nakakapagod na linggo. 

Alalahanin natin na para maging mabisa ang pag-aaral ng isang estudyante, kailangan niyang maging masaya sa paaralan. Kapag masyadong marami ang iuuwing aralin, may posibilidad na mabagot o mahirapan sila sa kanilang pag-aaral. Sinabi ng isang tatay sa isang pakikipanayam na “Naalala ko ang aking anak na nag-aaral sa isang science high school. Mayroon siyang takdang aralin para sa halos lahat ng mga asignatura. Parati siyang napupuyat at kinailangan niyang gamitin ang oras sa katapusan ng linggo sa mga takdang aralin. Sa mga apat na taon na iyon, halos nawalan siya ng pagkabata. Hindi ito ang pinakamagandang paraan para sa isang bata na lumaki.” Ipinapakita nito na imbes na masiyahan ang mga estudyante, nagiging obligasyon at napipilitan silang tapusin ito. Kailangang isaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga estudyante upang hindi mapagod ang isipan at katawan ng mga bata dahil maghapon sa limang araw kada linggo na silang nagtatrabaho. Ipinaliliwanag dito na maganda ang nai­du­dulot ng limitadong homework sa mga estud­yante dahil napananatili nila ang kanilang pangangalaga sa sarili.

Ang pagkatuto ay hindi lamang limitado sa aklat o sa loob ng silid-aralan. Lumalawak din ang kaalaman ng mga mag-aaral sa labas ng paaralan. Sa bawat karanasan at paghihirap ng buhay, palaging may natututunan. Ang pagpunta sa mga makasaysayang lugar tulad ng park, o museo. Maari ding pumunta sa pang-kultural at agrikultural na lugar tulad ng  bukid at eksibit. Sa pagbawal ng takdang-aralain sa Sabado at Linggo, magkakaroon ng mas madaming pagkakataon para sa kaalaman ukol sa totoong buhay. 

Mahalaga ang pagrespeto ng oras. May oras para sa pag-aaral at may oras para sa pagpapahinga. Kailangan balansehin ang mga gawain ng mga mag-aaral upang maiwasan ang pagod at tensyon. Lahat ng bagay na nasobrahan na ay nakakasama, kaya kahit kaunti ang gawain, ang mahalaga ay makabuluhan ang kanilang mga natutunan.


Argumentatibo

Ang mga takdang-aralin ay nagpapalalim sa kaalaman ng mga mag-aaral sa pag­ba­basa, pagsusulat, at pagsasalik­sik sa mga partikular na paksa. Kadalasan, ito ang pa­raan upang mapaghandaan ang susu­nod na leksyon at mas maintindihan ang nakaraang natutunan. Subalit, kahit gaano kahalaga ang mga takdang-aralin, ang pagbibigay nito sa katapusan ng linggo ay hindi kapaki-pakinabang dahil nawawalan ng oras ang mga mag-aaral para sa iba’t ibang bahagi ng buhay tulad ng kanilang sariling kalusugan, oras para sa pamilya at kaibigan, at ang kanilang mga interes o libangan. 

Kailangang ipagbawal ang pagbigay ng takdang-aralin sa katapusan ng linggo dahil ayon sa isang pananaliksik ng Stanford University, ang pagbibigay ng napakadaming takdang aralin ay dumadagdag sa pagod at tensyon ng mga estudyante at binabawasan ang kalusugan ng mga mag-aaral. Ayon sa pananaliksik na nabanggit sa itaas, 56 porsyento ng mga mag-aaral ay itinuturing na ang takdang-aralin ay ang pangunahing mapagkukunan ng pagod at tensyon (stress). Sinasabi din nila na ang kanilang takdang-aralin ay humantong sa pagkapuyat at iba pang mga problema sa kalusugan tulad ng pananakit ng ulo, pagkapagod, at pagbaba ng timbang. Subalit, sa ibang pananaw, naniniwala ang iba na ang takdang-aralin ay ang paraan upang matutunan ng lubos ang mga itinuro sa klase. Nakikita ng ilang mga guro na ang tahanan ay ekstensyon ng pagkatuto ng mag-aaral at mainam ito upang mas maunawaan ang paksang tinalakay. Kahit sila ay hindi nagkakamali sa pagsabi na ang takdang-aralin ay importante sa pagsulong ng estudyante, mali ang pagbigay ng takdang-aralin na napakasobra. Batay sa pananaliksik ng Oxford Learning, pakiramdam ng 72 porsyento ng magulang na ang takdang aralin ay ang madalas na dahilan ng stress sa sambahayan. Ipinapakita nito na kahit hindi masama ang pagbibigay ng takdang-aralin, kailangan itong ipagbawal sa katapusan ng linggo dahil maliwanag na mas mahalaga ang kalusugan ng mga estudyante.

Sa taon ng pag-aaral, ang katapusan ng linggo ay ang tanging oras ng mga mag-aaral para magkaroon ng libreng panahon kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan. Ang pagbibigay ng takdang-aralin sa panahon na iyon ay nagbabawas ng oras ng estudyante para sa mga relasyon sa ibang tao. Limang araw sa isang linggo ay nag-aaral at gumagawa ng takdang-aralin ang mga estudyante kaya ang Sabado at linggo ay ang nag-iisang panahon para magpahinga ang estudyante, lalo na pagkatapos ng mahaba at nakakapagod na linggo. Ayon sa pagsusuri ng Oxford Learning, ang oras ng pag-aaral ng mga estudyante ay umaabot ng sampung oras kada linggo. Ang mga mag-aaral ay mas malamang magtitigil ng ibang mga aktibidad para gumawa ng takdang-aralin sa Sabado at Linggo, kahit hindi nakikita ang mga kaibigan o pamilya. Sa kabilang paningin, ilang mga magulang ay sumusuporta sa pagbigay ng takdang-aralin dahil magkakaroon ng “bonding time” ang magulang at anak. Nagkakaroon sila ng pagkakataong malaman ang estado ng kanilang mga anak sa paaralan at maturuan sila kung kinakailangan. Subalit, sa kabila nito, maaring maging masyadong nakasalalay sa ibang tao ang mga mag-aaral. Ayon sa pagsisiyasat ni Denise Pope ng Stanford University, hindi natutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa pansariling kaunlaran at mga kritikal na kasanayan sa buhay dahil sa  paggastos ng maraming oras sa takdang-aralin. Kailangan ng mga estudyante ng panahon para sa pansariling paglaki.

Ang bawat mag-aaral ay may mga libangan at interes na nagpapasiya sa kanila sa labas ng paaralan. Dahil sa napakadaming hinihingi na takdang-aralin, nawawalan sila ng oras para gumawa nito. Dahil doon, nawawala din sila ng gana na ipagpatuloy ang mga interes na ito. Nakakasagabal ang takdang-aralin sa iba pang mga obligasyon ng mga mag-aaral. Ayon sa pananaliksik ng Oxford Learning, 40 porsyento ng mga high school students ay nawawalan ng ganang mag-aral dahil sa mga takdang-aralin. Nagpapakita ito na ang epekto ng takdang-aralin, kahit anuman ang benepisyo, ay may masasamang iniiwan sa mga mag-aaral. Iba naman ay nagsasabi na natuturuan maging responsable ang mga mag-aaral sa paggawa ng takdang-aralin. Nalilinang sa kanila ang pagpapahalaga sa oras at trabaho, at dahil doon nagkakaroon sila ng pagkilala responsibilidad na makakatulong sa pagharap ng hamon sa buhay. Ngunit, hindi nila napagtanto na ang responsibilidad ay nakakamit hindi lang sa pagbibigay ng takdang-aralin, kundi sa mga gawaing extracurricular at mga gawain sa paaralan mismo. Isang halimbawa ang paglalaro ng mga sports, kung saan kinakailangang maglingkod sa bawat ensayo at paligsahan.  Ang pagkatuto ay hindi lamang limitado sa aklat o sa loob ng silid-aralan. Lumalawak din ang kaalaman ng mga mag-aaral sa labas ng paaralan. Sa bawat karanasan at paghihirap ng buhay, palaging may natututunan. Sa pagbawal ng takdang-aralain sa Sabado at Linggo, magkakaroon ng mas madaming pagkakataon para dagdagan ang kaalaman ukol sa totoong buhay. 

Mahalaga ang pagrespeto ng oras. May oras para sa bawat gawain. Kailangan balansehin ang mga gawain ng mga mag-aaral upang maiwasan ang mga masasamang epekto ng pagbibigay ng takdang-aralin sa katapusan ng linggo. Lahat ng bagay na nasobrahan na ay nakakasama, kaya kahit kaunti ang gawain, ang mahalaga ay makabuluhan ang kanilang mga natutunan.

Talasanggunian

  1. Catacutan, N. (2018, Abril 28). May Takdang-aralin o Wala? Nakuha mula sa https://www.pressreader.com/philippines/sunstar-pampanga/20180428/281646780766814
  2. Elefante, F. (2019, Setyembre 29). Homework in focus: A candid discussion. Nakuha mula sa https://philippinesgraphic.net/homework-in-focus-a-candid-discussion/
  3. Infographic: How Does Homework Actually Affect Students? (2017, Hunyo 17). Nakuha mula sa https://www.oxfordlearning.com/how-does-homework-affect-students/
  4. Linchuk, B. (n.d.). Homework should be reserved for weekdays only. Nakuha mula sa http://eastside-online.org/opinions/homework-should-be-reserved-for-weekdays-only/
  5. Parker, C. (2016, Abril 16). Stanford research shows pitfalls of homework. Nakuha mula sa https://news.stanford.edu/2014/03/10/too-much-homework-031014/

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started