Mga Dahilan sa Pagtaas ng Bilang ng mga School Dropouts sa Pilipinas

Isinulat ni: Frances Janine Calado


Sa Pilipinas, maraming mga mag-aaral ang humihinto sa kanilang pag-aaral, lalo na sa mga pampublikong paaralan at dahil dito, tumataas bawat taon ang bilang ng mga tinatawag na “school dropouts” o “out of school youths”. Nasa 3.9 milyon na ang mga “dropouts” sa bayan, ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Statistics Authority sa taong 2019.

Out of school youths sa taon 2016 hanggang 2019; Philippine Statistics Authority

Base naman sa isang pag-aaral mula sa Department of Education, ang mga mag-aaral na nahihinto sa pag-aaral ay nasa edad na 15 hanggang 19 na taong gulang. Sa parehong pag-aaral na ito, nabatid ng departamento na mayroong iba’t ibang sanhi kung bakit marami sa kabataan ngayon ay hindi naipagpatuloy ang kanilang edukasyon. Ang kahirapan, kalusugan at ang kakulangan ng mga silid-aralan ang nasa pinaka malaking kadahilanan.

Kahirapan sa Pamilya

        Ang mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ay hindi humihingi ng bayad para sa matrikula ngunit ang pagtaas ng kahirapan ay ang pinaka malaking hadlang pa rin sa pagpapatuloy ng edukasyon. Ipinakita ng Philippine Statistics Authority na halos 41.3 porsyento ay nagsasabi na ito ang dahilan kung bakit hindi sila nag-aaral. Ang suweldo ng maraming mga Filipino ay nasa 150-160 pesos. Hindi ito sapat upang makabili ng mga pampa-aralang kagamitan tulad ng mga kwaderno, lapis at pambura, na nasa 15.50 pesos, pagkain at uniporme. Dahil dito, humihinto na lamang sila ng pag-aaral upang magtrabaho at makatulong sa kanilang mga pamilya na maitawid ang pang araw-araw na gastusin na ginugugol sa pagbili ng pagkain at tubig.

Kalusugan ng mga Mag-aaral

        Ayon sa Department of Health, nagiging malaking dahilan din ang kalusugan sa pagpapahinto ng pag-aaral dahil maraming mga mag-aaral, lalo na sa mga probinsya ang nagkakasakit. Natagpuan din ang Department of Health na kung sila ay may karamdaman, marami sa kanila ang hindi na bumabalik sa paaralan dahil ang pera na dapat sana gamitin para magbayad ng mga pampa-aralang kagamitan ay ginagamit na pambili ng gamot. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, ang pagkakasakit ay maiuugnay sa sustansya ng katawan. Kung walang pera upang makabili ng sapat na pagkain para sa mga bata, ang kanilang kalusugan ay maapektuhan.

Ang Kakulangan ng mga Silid-aralan

       Ayon sa Department of Education, kulang ang kagamitan na ipinamamahagi ng pamahalaan upang makapagpatayo ng mga gusali at mga bagong paaralan. Base sa isang pag-aaral ng  Department of Education, 12.4 porsyento ng mga kabataan na hindi na nag-aaral ang nagsasabi na hindi na sila pumapasok dahil salat sa mesa, upuan at sadyang masisikip ang mga silid-aralan.

        Ang mga dahilan na nabanggit ay hindi dapat maging balakid upang magkaroon ng mabuting edukasyon. Lahat ng mga kabataan ay mayroong karapatan pumasok sa paaralan at mag-aral. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng pagkakataong maging kapaki-pakinabang sa lipunan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Kahit na anong aspeto tingnan, ang may magandang kinabukasan ay ang taong may pinag-aralan.

Sanggunian:

  1. ABS_CBN News. (2018, Setyembre 2). Tulong para sa mga kabataang out-of-school, pinagsisikapan ng NGO. Nakuha mula sa https://news.abs-cbn.com/news/09/02/18/tulong-para-sa-mga-kabataang-out-of-school-pinagsisikapan-ng-ngo
  2. ABS-CBN News (2019, Mayo 31). Prices of School Supplies: 2018 vs 2019. Nakuha mula sa https://news.abs-cbn.com/spotlight/multimedia/photo/05/31/19/prices-of-school-supplies-2018-vs-2019.
  3. Bersales, L.G. (2018, Hunyo 6). Nine Percent of Filipinos Aged 6 to 24 years are Out of School (Results from the 2017 Annual Poverty Indicators Survey). Nakuha mula sa https://psa.gov.ph/content/nine-percent-filipinos-aged-6-24-years-are-out-school-results-2017-annual-poverty-indicators.
  4. Hernandez, Z. (2019, Mayo 17). 20,000 Out-of-School Youths target mapag-aral, mapagtrabaho ng NGO. Nakuha mula sa https://news.abs-cbn.com/news/05/17/19/20000-out-of-school-youths-target-mapag-aral-mapagtrabaho-ng-ngo
  5. Perez, J. (2017, Junyo 13). One in Every Ten Filipinos Aged 6 to 24 Years is an Out of School Child and Youth. Nakuha mula sa https://psa.gov.ph/content/one-every-ten-filipinos-aged-6-24-years-out-school-child-and-youth
  6. Porcalla, D. (2017, Hunyo 25). Number of elementary, high school dropouts rising – lawmaker. Nakuha mula sa https://www.philstar.com/headlines/2017/06/25/1713711/number-elementary-high-school-dropouts-rising-lawmaker.
  7. Surian sa mga Pag-aaral Pangkaunlaran ng PIlipinas (2020). Poverty, Hunger Are Major Causes Of School Dropouts In PH — PIDS Study. Nakuha mula sa https://www.pids.gov.ph/press-releases/328.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started