Masasamang Epekto ng Enerhiyang Fossil Fuel sa Ating Kapaligiran at Mga Alternatibo para dito

Isinulat ni: Francine Jeanne M. Racimo


Fossil Fuel sa Pang-Araw-Araw

Ang uling, langis na krudo, at natural na gasolina ay itinuturing na fossil fuel. Tinatawag silang fossil fuel dahil sila ay gawa sa mga fossil ng mga hayop at mga halaman na nabuhay maraming milyon na nakalipas. (NRDC, 2018).  Mahalaga ang fossil fuel dahil ginagamit natin ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Kinakailangan natin ito para sa kuryenteng nagpapatakbo ng mga pabrika, mga opisina at ng ating mga bahay, gasolina sa pagluluto at mga kotse, at iba pa. 

Enerhiyang gawa sa Fossil Fuel

Figure 1. Global na Paggamit ng Fossil Fuel. Galing sa Our World in Data (2020)

Nakikita sa talaan na karamihan sa enerhiyang ating ginagamit ay galing sa natural na gasolina, kasunod nito ay ang langis na krudo, tapos uling. 

Global na Pag-init at Pagbabago ng Klima

Ang mga salitang global na pag-init at pagbabago ng klima ay madalas na napagpapalit; patas lamang ito dahil sila ay labis na magkaugnay. Ayon sa National Geographic ang global na pag-init ay ang pangmatagalang pag-init o pag-akyat ng kabuuang temperatura ng planeta.” Hindi siya tiyak na masama; sa katunayan matagal na itong nangyayari sa ating planeta. Bumilis ang pag-akayat nito sa nakaraang daan-daang taon dahil sa paggamit natin ng mga fossil fuel; ito ang nagsasanhi ng mga masasamang epekto.

Ang global na pag-init ay sanhi ng greenhouse effect. Ito ay isang pangyayari kung saan ikinukulong ng mga greenhouse gases katulad na lamang ng carbon dioxide, chlorofluorocarbons, water vapor, methane, at nitrous oxide ang init mula sa araw. Hindi siya isang masamang proseso, sa katunayan tinutulungan nitong hindi lubhang lumamig ang ating planeta; na ginagawang posible ang buhay dito sa ating mundo. Dahil lamang sa labis na paglalabas ng mga greenhouse gases galing sa mga fossil fuel nagiging masama dahil nga napapabilis nito ang pag-init ng ating planeta.

Figure 2. Global na Paglabas ng CO2 ayon sa Iba’t ibang Sektor ng Ekonomiya. Gaing sa  IPCC 2014

Ayon sa isang 2014 na ulat ng IPCC, karamihan ng greenhouse gas, 25%, ay galing sa produksyon ng kuryente at ng kainitan. Habang may na nabibilang pang 10% ang galing sa produksyon ng ibang klase ng enerhiya. 

Figure 2. Ang Pag-Akyat ng Temperatura mula 1860 at mga Prediksyon para sa taong 2020. Galing sa Berkeley Earth 

Sa taong 2017, ayon sa NASA, tumaas ang global na temperatura ng 0.90 degrees Celsius, mas mainit pa sa temperature mean mula 1951 hanggang 1980. Ayon sa IPCC kapag ipinagpatuloy natin ang takbo na ito aabot ang global na temperatura ng 1.5 degrees Celsius sa bandang 2030 hanggang 2052; na magdudulot ng mga matitinding problema na hindi na maayos o maibabaliktad. Isa na dito ang permateng pagbago ng ating klima na maaring magsanhi ng malawakang pagkakipol.

Figure 3. Global Carbon Budget for a Two-Degree World. Galing sa Our World in Data (2020)

Enerhiyang Fossil Fuel Pagkasira ng Lupa at Polusyon

Hindi lamang sa paggamit ng fossil fuel naapektuhan ang ating kapaligiran, naapektuhan sin ito sa pagkuha at pagproseso natin ng fossil fuel. Sa pagmimina, kailangan maghukay ng mga balon; gumawa ng mga daanan at mga pasilidad para sa pagproseso at pagtabi; pati na rin sa waste disposal. Isa pa dito ay ang prosesong strip mining. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkaskas at pagsabog ng mga bundok at kagubatan upang makuha ang fossil fuel na nasa ilalim. Sinisira ng pagmimina ang lupa at ang kapaligirang kung saan ginagawa ito at matagal bago magpanumbalik ang dating buhay at sigla ng mga lugar na ito. Pangalawa ang polusyon ng tubig. Sa pagmimina ng uling maraming asido ang nakakatakas sa mga ilog, batis, at lawa. Marami rin sa mga hindi kinakailangan na mga bato at lupa ang natatapon dito.  Marami ring pagtapon ng langis ang nangyayari habang kinukuha ang langis sa ilalim ng dagat o sa paglipat nito. Nakakasira ang mga ito sa mga ecosystem. Ang pagsunog din ng mga fossil fuel ay nagpapadumi ng hangin. Ayon sa NRDC, halos 42% ng paglabas ng mapanganib na mercury at sulfur oxide sa Estados Unidos ay galing sa mga power-plants na pinapagana ng uling. Ang mga koste, trak, barkong pinapatakbo ng fossil fuel naman ang isa sa pinakamalaking nag-aambag ng pglabas ng nakakalason na carbon monoxide at nitrogen oxide  na gumagawa ng ulap-usok at respiratory illnesses.

Mga Alternatibo sa Fossil Fuel

Ang pinakamabisang alternatibo sa fossil fuel ay ang mga renewable sources of energy. Ayon sa NRDC, ang renewable sources of energy ay tinatawag din na malinis na enerhiya dahil nanggagaling ito sa natural na proseso at maaring gamitin ng paulit-ulit ng hindi nauubos. Ito ay mabuti sa ating kapaligiran at napapanatili ng ating planeta. Ang iilan lamang mga halimbawa ay solar energy, wind energy, hydroelectric power, biomass energy, geothermal energy, tidal at wave energy. 

Sa ngayon hindi pa masyadong laganap ang paggamit ng mga ito dahil mas magastos ang pagtayo ng mga imprastraktura para sa renewable sources of energy kumpara sa paggamit ng fossil fuel. Kaya naman importante na ilaganap ang impormasyon tungkol sa mga peligrong sanhi ng paggamit ng mga fossil fuel at ang kahalagahan ng paggamit ng renewable sources of energy.

Talasanggunian:

  1. Ritchie, H. and Roser, M. (2020). “Fossil Fuels”. Inilathala online sa OurWorldInData.org. Galing sa: ‘https://ourworldindata.org/fossil-fuels’ [Online Resource]
  2. Foster, S. and Elzinga, D. (n.d.). The Role of Fossil Fuels in a Sustainable Energy System. Galing sa https://www.un.org/en/chronicle/article/role-fossil-fuels-sustainable-energy-system
  3. https://www.epa.gov/ghgemissions/global-greenhouse-gas-emissions-data
  4. Shinn, L. (2018, Hulyo 15). Renewable Energy: The Clean Facts. Galing sa https://www.nrdc.org/stories/renewable-energy-clean-facts
  5. National Geographic Society. (2019, Marso 27). Global Warming. Galing sa https://www.nationalgeographic.org/encyclopedia/global-warming/
  6. Global Temperature Report for 2017. (2018, Enero 18). Galing sa http://berkeleyearth.org/global-temperatures-2017/
  7. Global Greenhouse Gas Emissions Data. (2019, Setyembre 13). Galing sa https://www.epa.gov/ghgemissions/global-greenhouse-gas-emissions-data
  8. NASA. (2018,Enero 18). Long-term warming trend continued in 2017: NASA, NOAA – Climate Change: Vital Signs of the Planet. Retrieved from https://climate.nasa.gov/news/2671/long-term-warming-trend-continued-in-2017-nasa-noaa/
  9. NASA. (2019, Hulyo 23). 2018 fourth warmest year in continued warming trend, according to NASA, NOAA – Climate Change: Vital Signs of the Planet. Galing sa https://climate.nasa.gov/news/2841/2018-fourth-warmest-year-in-continued-warming-trend-according-to-nasa-noaa/

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started